Posted in hamilpuff talks

Ito na Ang Huling Tula na Isusulat Ko Para Sayoc

Ito na Ang Huling Tula na Isusulat ko Para Sayo by Juan Miguel Severo

Pangako ‘yan, at totoo.

Hindi ko alam kung magiging ga’no kahaba

kung kasya ba sa isang pyesa,

ilang pahina,

ilang minuto ang itatagal at ihahaba nito

kaya posibleng hindi ko agad makabisado.

Pero pangako ‘yan…

Ito na,  ang huling tula  na isusulat ko  para sa ‘yo.

Itaga mo ‘to sa bato

abutin man ako ng umaga dito

hindi ko ipipikit ang mga matang ito.

uubusin ko ang lahat ng salita na posibleng tugma ng pangalan mo

o ng anumang tawag ko sa’yo,

(mahal, sinta, irog, pangga, babe, beh, bae, asawa ko, mine? wifey, bae, kulet, kapal, k*pal, walangya, p*ki, p*king *na ka)

ano pa ba?

Wala akong pakialam kung abutin ako ng ilang talata dito,

pero hindi ko na pwedeng patirahin lang,

dito sa loob ko, ang mga salitang ito.

Kaya pangako…

Ito na,  ang huling tula  na isusulat ko  para sa ‘yo.

Magsisimula ako sa umpisa,

sa kung paanong nginitian mo ako

at tinanong kung saan ako nakatira

hindi mo nga pinansin,  ang mga agiw sa dingding.

Hindi ka nga natinag sa ipis na biglang dumating sa iyong pagbisita.

Pero hindi mo rin man lang din tinignan ang mga libro  na nasa tabi ng kama ko, natutulog din.

At tangi ko noong kapiling.

Magsisimula ako sa umpisa,

sa kung paanong niyakap mo ako noong sabihin ko sa’yong, “Mahal Kita…”

Sa kung paanong hinalikan mo ako sa noo sabay sabi ng:

“Mahalaga ka…”

At ako naman ‘tong si tanga,

tuwang-tuwa,

dahil hindi pa nalilinawan na ayaw ko  na maging mahalaga,

ayaw ko  na maging mahalaga…

Hindi ako antigong salamin na matagal mo nang pag-aari,

na tinitignan mo lang  para ipaalala sa sarili mo na maganda ka.

Ayaw ko  na maging mahalaga.

Hindi ako telepono mong dududukutin lang sa bulsa,

kapag kailangan mo ng solusyon sa kawalan mo ng koneksyon,

sa mundo mong masyado nang malawak para bigyang atensyon ka pa.

Ayaw ko na maging mahalaga.

Hindi ako kwintas na isusuot mo lang sa piling-piling mga okasyon,

kapag mayroong mga sitwasyon na pakiramdam mo ay kulang ka pa.

Hindi ako para ibalik sa loob ng isang kahon

kapag matutulog ka na sa gabi sa takot na masakal ka sa yakap ko kapag mahimbing ka na.

O ibalik sa loob ng kahon at itabi sa sulok ng isang aparador sa takot na manakaw ako ng iba.

Ayaw ko na maging mahalaga..

Ang gusto ko…

ay mahalin.

Ang kailangan ko…

ay mahalin.

Kailangan ko na mahalin mo ako gaya ng kape mo sa umaga,

tanggap ang tamis at pait,

kailangan para sa init pero hindi isinasantabi dahil lang nanlamig na.

Kailangan ko na mahalin mo ako gaya ng sarili mong opisina.

Kabisado kung para saan ang ano

kabisado kung nasaan nakatago ang alin.

Kabisado ang mga itinatago kong patalim, silbi, dumi, lihim..

patalim… silbi… dumi… lihim!

Kailangan ko na mahalin mo ako gaya ng unan mo sa gabi.

Niyayakap sa ginaw,

sinasandalan kahit na mainit,

binubulungan ng mga pinakatatago mong panaginip.

Ayaw ko na maging mahalaga…

Ang kailangan ko ay mahalin…

At nagsulat ako noon hanggang sa mahalin mo..

Kaya patawad  pero magsusulat ako hanggang sa maubos ko ang lahat ng salita,

na posibleng tugma ng pangalan mo.

Patawad. Pero magsusulat ako, para patawarin mo.

Dahil minsan may nakapagsabi sa akin na ang hindi raw marunong magpatawad, ay hindi makapagsusulat.

Kaya mahal sa pagkakataong ito, sa huling pagkakataon  na magsusulat ako ng tula para sa ‘yo,

gumawa tayo ng kasunduan…

Patatawarin kita, pero patatawarin mo rin ako.

Patawarin mo ako sa hindi ko pagtahan, at patatawarin kita, sa hindi mo pagluha.

Patawarin mo ako sa hindi ko pananahimik, at patatawarin kita, sa hindi mo pagsasalita.

Patawarin mo ako sa hindi ko pag-alis, at patatawarin kita, sa hindi mo pananatili.

Patawarin mo ako sa hindi ko sa ‘yo paglimot, at patatawarin kita, sa hindi mo sa akin pagpili, mahal.

Gumawa tayo ng kasunduan: Patatawarin kita, pero patatawarin mo rin ako.

Patawarin mo ako sa hindi ko pagbitiw at patatawarin kita, sa hindi mo pagkapit.

Patawarin mo ako sa hindi ko paglayo at patatawarin kita, sa hindi mo paglapit.

Patawarin mo ako sa hindi ko pagsuko, at patatawarin kita, sa hindi mo pagsugal.

At patawarin mo ako sa hindi ko pagkamuhi sa ‘yo, at patatawarin kita, sa hindi mo sa akin pagmamahal, mahal.

Gumawa tayo ng kasunduan: Patatawarin kita, pero patatawarin mo rin ako.

Para sa wakas ay matapos ko na itong tula, na masyado nang matagal nang nakatira dito.

At patawad… kung magiging masyadong mahaba, at maraming masyadong boladas.

Pero pangako: huli na ‘to… huli na ‘to… huli na ‘to…

Magsisimula ako uli sa umpisa,

sa kung paanong nginitian mo ako at tinanong kung saan ako nakatira…

Magsisimula ako uli sa umpisa, sa kung paanong nginitian mo ako…

Magsisimula ako uli sa umpisa…

Magsisimula ako uli…

Magsisimula ako…

Ito na  ang huling tula na isusulat ko  para sa ‘yo…

Mali!!!

Ito na  ang huling tula na isinulat ko  tungkol sa ‘yo…

T**g *na mo!

Tapos na ako…

 

Hands down to Juan Miguel Severo! I have written a poem or two before, but after hearing him and this piece, I have to roll up my sleeves and work on my writing. I need to move forward and to level up! I must not be stuck in here with prisoned thoughts.

 

 

 

Advertisements

Author:

A future famous writer who elopes with adventure and lives a life of wonder. between 25 and 30, she continues to explore human realities and struggles to change the unchangeable currents of the seven seas.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s